1 Kung gagawa ka ng mabuti, tiyakin mo kung kanino mo gagawin iyon,upang pasalamatan ka sa iyong pagmamagandang-loob.
2 Kapag gumawa ka ng mabuti sa taong maka-Diyos, tiyak na tatanggap ka ng gantimpala;kung hindi mula sa kanya, ay mula sa Kataas-taasan.
3 Walang matatamong kabutihan ang gumagawa ng masama,o ang hindi tumutulong sa mga dukha.
4 Tulungan mo ang mga taong may takot sa Diyos, huwag ang mga makasalanan.
5 Gawan mo ng mabuti ang mababang-loob; huwag mong bigyan ng anuman ang palalo.Huwag mo siyang bibigyan ng pagkain;gagamitin lamang niya ang kabaitan mo laban sa iyo.Patung-patong na kapinsalaan ang sasapitin mo,bilang ganti sa kabutihang ginawa mo sa kanya.
6 Pati ang Kataas-taasang Diyos ay napopoot sa makasalanan,at paparusahan niya sila sa takdang panahon.
7 Ang bigyan mo ay ang mabubuting tao, at huwag mong tulungan ang mga makasalanan.
8 Sa panahon ng kasaganaan, hindi mo makikilala ang tunay na kaibigan,at sa panahon naman ng kasawian, hindi maikakaila ang kaaway.
9 Kapag ikaw ay masagana, pati ang kaaway ay nagmamagandang-loob,ngunit pagsapit ng dagok ng kapalaran, mawawala ang mga kaibigan.
10 Huwag kang magtitiwala kailanman sa kaaway;kung paanong ang kalawang ay sumisira sa bakal, ang galit niya sa iyo'y pilit na iiral.
11 Kahit na siya'y lumapit sa iyong maamo at mapayapa,mag-ingat ka, at manatili kang handa.Ang katulad niya'y salaming metal,sinisira ng kalawang kapag hindi kinuskos.
12 Huwag mo siyang patatayuin sa tabi mo,baka patalsikin ka niya at kunin ang iyong puwesto.Huwag mo rin siyang pauupuin sa iyong kanan,baka agawin pa niya sa iyo ang iyong luklukan.At saka mo lamang mauunawaan ang payo ko,at magsisisi ka kapag naalala mo iyon.
13 Sinong maaawa sa tawak kapag siya'y natuklaw ng ahas,o sa taong nag-aalaga ng mabangis na hayop, kung siya'y silain nito?
14 Wala ring maaawa sa taong nakikisalamuha sa masasama,kung dahil sa mga ito'y masangkot siya sa kasalanan ng iba.
15 Habang ikaw ay matatag, ang kaaway ay hindi hahakbang laban sa iyo,ngunit kapag ikaw ay bumagsak, hindi niya palalampasin ang pagkakataon.
16 Magagandang salita ang namumutawi sa labi ng kaaway,ngunit ang iniisip niya'y ang iyong kapahamakan.Maaaring iyakan ka pa niya kunwari,subalit kapag nagkaroon siya ng pagkakataon, hindi niya panghihinayangan ang iyong buhay.
17 Kapag dinatnan ka ng sakuna, lalapitan ka niya kunwari upang tulungan ka,ngunit ang totoo, upang ikaw ay lalong ilubog.