Ecclesiastico 19 MBB05

1 Kapag ganyan nang ganyan, hindi ka yayaman.Ang nag-aaksaya ng mumunting bagay, hindi magluluwat at mauubusan.

2 Inililigaw ng alak at babae ang matinong lalaki;at nawawalan ng kahihiyan ang nakikipagtalik sa babaing bayaran.

3 Hanggang sa siya'y mapahamak dahil sa kanyang kapusukan,at ang bangkay niya'y maging pagkain ng mga uod.

4 Ang madaling magtiwala ay nagpapakilalang mababaw ang isipan;at ang gumagawa ng masama ay nagpapahamak sa sarili.

5 Ang nalulugod sa masama ay hindi malayong mapaparusahan.

Laban sa Kadaldalan

6 Ang umiiwas sa daldalan ay malayo sa kapahamakan.

7 Huwag mong sabihin sa iba ang bawat narinig mo,at hindi ka masasangkot sa maraming gulo.

8 Liban na lamang kung ipagkakasala mo ang di pagsasalita.Huwag mong isisiwalat ang lihim ng iba sa iyong kaibigan o kaaway.

9 Sapagkat may makakakita at makakarinig sa iyo,at hindi magtatagal at kapopootan ka.

10 Nakarinig ka ng balita? Sarilinin mo na lamang;huwag kang matakot, hindi ka sasabog dahil doon.

11 Kapag ang hangal ay nakasagap ng anumang balita,nababalisa siyang parang buntis na hindi mapaanak; sabik na sabik siyang isiwalat iyon sa madla.

12 Parang palasong nakatusok sa hita,ang isang lihim sa dibdib ng hangal.

13 Kausapin mo muna ang iyong kaibigan tungkol sa nabalitaan mong ginawa niya; baka naman hindi niya ginawa iyon.At sakaling ginawa nga niya, ay nang huwag nang maulit pa.

14 Kausapin mo ang iyong kapitbahay tungkol sa nabalitaan mong sinabi niya, baka naman hindi niya sinabi iyon.At sakaling sinabi nga niya, ay nang huwag nang maulit pa.

15 Kausapin mo ang iyong kaibigan sa nabalitaan mo tungkol sa kanya; kalimitan ang mga kumakalat na balita ay paninira lamang.Huwag ka agad maniniwala sa bali-balita.

16 Kung minsan, nadudulas ang dila ng tao nang di sinasadya;sino ba ang di nagkakasala sa pananalita?

17-19 Tanungin mo muna ang isang tao bago ka magbanta sa kanya,sa gayon, matutupad mo ang Kautusan ng Kataas-taasang Diyos nang hindi ka nagagalit.

Tunay at Di Tunay na Karunungan

20-21 Ang takot sa Panginoon ang kabuuan ng lahat ng Karunungan,at ang ganap na Karunungan ay pagtupad sa Kautusan.

22 Hindi tunay na Karunungan ang katalinuhan sa gawang masama,at walang mabuting ibubunga ang payo ng masasamang tao.

23 Mayroong karunungang karumal-dumal,at mayroon namang nag-aasal hangal dahil sa kanilang kamangmangan.

24 Mabuti pa ang kakaunti ang nalalaman ngunit may takot sa Diyos,kaysa napakarunong ngunit lumalabag sa Kautusan.

25 May katalinuhang ginagamit sa paglabag sa katarungan,at may mga taong nanlilinlang makamtan lamang ang ninanais.

26 May taong nakayuko at kunwa'y nagdadalamhati,ngunit ang totoo'y masama ang binabalak.

27 Nakapaling ang mukha at kunwa'y hindi nakakarinig,ngunit kapag walang nakakapansin, pagsasamantalahan ka.

28 Kung sa tingin niya'y hindi ka pa niya kaya ngayon, hindi ka niya gagawan ng anuman;ngunit sa unang pagkakataon, pagsasamantalahan ka niya.

29 Makikilala mo ang isang tao sa kanyang anyo,at mahahalata agad ang marunong sa una ninyong pagkikita.

30 Sa kanyang pananamit nakikilala siya,sa kanyang pagtawa at sa kanyang paglakad.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51