1 Kay inam pagmasdan nitong kalawakang walang bahid ulap,sadyang di maunawaan itong kalangitan sa ganda at dilag!
2 Maningning na araw ay nagpapahayag sa kanyang paglitaw,na kahanga-hanga ang bawat nilikha ng Kataas-taasang Diyos.
3 Sa matinding init na mula sa kanya'y walang makatagal,ang balat ng lupa'y kanyang tinitigang sa katanghalian.
4 Ang apoy sa hurno upang paningasin ay dapat gatungan,ngunit itong araw ay tatlong ibayo ang init na taglay.Sa kanyang pagsikat parang nag-aapoy ang kabundukan,maningning na sinag mula sa kanya ay nakakasilaw.
5 Dakila itong Panginoong lumikha sa araw,sa kanyang utos, nilalandas ang patutunguhan.
6 Ang Panginoon din ang lumalang sa buwan,na siyang panukat sa pagkakahati-hati ng panahon.
7 Pananda sa pagdiriwang ng mga kapistahan,tanglaw na lumiliit at lumalaki batay sa kapanahunan.
8 Sa kanyang pag-urong at pagsulong binibilang ang mga buwan,kahanga-hanga ang walang patid niyang pagbabago.Patnubay ng di mabilang na mga tanglaw,na nagliliwanag sa rurok ng kalangitan.
9 Kariktan ng langit ang mga bituin,palamuting nagniningning doon sa kaitaasan.
10 Sa isang salita ng Diyos, lumilitaw sila sa pisngi ng langit,at walang pagod na nagbabantay sa buong magdamag.
11 Masdan ninyo ang bahaghari at purihin ang dito ay lumikha,kaakit-akit ang makulay niyang kagandahan.
12 Arko na nakaguhit sa kalawakan ng langit,hinubog ng mga daliri ng Poong Maykapal.
13 Sa utos ng Panginoon umuulan ng yeloat nagmamadali ang nag-aapoy na kidlat upang tupdin ang kanyang hatol.
14 Kapag binuksan niya ang kanyang imbakan,naglalabasan ang mga ulap na parang mga ibon.
15 Sa kanya ring utos, namumuo ang tubig na kipkip ng ulap,at nagiging mga butil ng yelo na bumabagsak sa lupa.
16 Sa pagdating niya'y nanginginig ang mga bundokat sa dagundong ng kanyang tinig nayayanig ang lupa.
17 Kapag gusto niya'y agad umiihip ang hanging habagat,at humahagibis na dumarating ang buhawi at bagyo.Sa utos din niya'y dagling pumapatak ang yelo, tulad ng pagdapo ng mga ibon,at dumaragsa sa lupang parang makapal na balang.
18 Nakakasilaw sa mata ang busilak niyang kaputian,at nakakapagtaka ang marahan niyang pagpatak.
19 Pinatitigas niya ang hamog sa pamamagitan ng lamig at isinasabog sa lupa na parang pinong asin,at ito'y namumuo, tulad sa bulaklak na yelong kumikislap.
20 Kapag pinaihip niya ang malamig na hangin mula sa hilaga,nagiging matigas na yelo ang ibabaw ng tubig.Anupa't ang lahat ng mga ilog at lawa,wari'y natatakpan ng baluting kristal.
21 Ang mga kabundukang sinalanta ng tag-araw,at ang mga halamanang nalanta sa init,
22 ay muli niyang pinananariwa pagpatak ng ulan;at ang init ay napapalitan ng hamog na nagbibigay-buhay.
23 Siya rin, sa kanyang karunungan, ang nagpatahimik sa kalaliman ng dagat,at nagpalitaw ng mga pulo sa gitna ng tubig.
24 Ang mga naglalakbay naman sa malawak na karagatan ang nagsasalaysay ng mga kagulat-gulat na panganib doon,tayo nama'y mamamangha sa pakikinig.
25 May nakikita sila roon na mga kamangha-manghang nilalang,naglalakihang hayop-dagat at lahat ng nilikhang naninirahan sa tubig.
26 Sa kapangyarihan niya, nagagawa niya ang bawat maibigan,at sa bisa ng kanyang salita ang lahat ay nagkakaisa.
27 Hindi natin matatapos baybayin ang lahat niyang ginawa,kaya't wala na tayong masasabi pa kundi: “Ang Panginoon ang kabuuan ng lahat ng bagay.”
28 Paano natin siya pupurihin nang sapat,yamang siya, ang Dakilang Diyos, ay higit sa lahat niyang nilalang?
29 Siya ang maningning at dakilang Panginoon,kahanga-hanga ang kanyang kapangyarihan.
30 Purihin ninyo siya nang buong makakaya,at ang lahat ng iyan ay kapos pa rin upang dakilain siya.Tipunin ninyo ang buo ninyong lakas at siya'y walang patid na papurihan,at ang lahat ay kapos pa rin sa kanyang kamahalan.
31 Walang nakakita sa kanya upang siya'y mailarawan,walang makapagpaparangal sa kanya nang sapat.
32 Gaano ang nalalaman natin tungkol sa kanya?Higit na marami ang mga hiwagang di natin nalalaman.
33 Siya ang Panginoong may gawa sa lahat,siya ang nagkakaloob ng karunungan sa mga umiibig sa kanya.