4 Ang mabait na anak na babae ay makakatagpo ng mabuting asawa,ngunit ang walang isip ay kapighatian ng ama.
5 Ang lapastangang anak na babae ay dalamhati ng kanyang ama't asawa,darating ang panahong siya'y itatakwil nila.
6 Ang panunumbat na di napapanahon ay parang masayang tugtugin sa oras ng libing,ngunit sa lahat ng panahon, ang pagtutuwid ay isang karunungan.
7 Ang magturo sa hangal ay tulad ng pagbubuo ng basag na palayok,o manggising ng taong mahimbing ang tulog.
8-10 Ang magpaliwanag sa hangal ay parang nakikipag-usap sa inaantok,matapos mong sabihin sa kanya ang lahat, itatanong sa iyo: “Ano na nga ba ang sinabi mo?”
11 Tangisan mo ang patay pagkat nilisan na niya ang daigdig,ngunit kaawaan mo ang hangal, pagkat naiwan niya ang kanyang bait.Hindi gaanong masaklap ang mamatay—ang patay ay namamahinga na.Malungkot pa kaysa kamatayan ang buhay ng hangal.
12 Ang pagluluksa sa patay ay pitong araw lamang,ngunit ang pighating dulot ng hangal at walang takot sa Diyos ay panghabang buhay.