1 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
9 Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”
12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.
16 Sa lupain nila'y mayroong taggutom na ipinaratingitong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
23 Sa bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
26 Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno ng mga palakang kay rami ang buong lupain,maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
37 Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.Purihin si Yahweh!