1 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubigsa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;pati ang mata ko'y di na maidilat,sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4 Silang napopoot nang walang dahilan,higit na marami sa buhok kong taglay;mga sinungaling na nagpaparatang,ang hangad sa akin ako ay mapatay.Ang pag-aari kong di naman ninakaw,nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbabá akong nag-ayuno,at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,sa putik na ito't tubig na malalim;sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,o dalhin sa malalim at baka malunod;hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;sagipin mo ako sa mga kaaway.
19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,sinisiraang-puri't nilalapastangan;di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,kaya naman ako'y wala nang magawâ;ang inasahan kong awa ay nawala,ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.Suka at di tubig ang ipinainom.
22 O bumagsak sana sila at masira,habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga kampo nila sana ay iwanan,at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa aklat ng buhay, burahin ang ngalan,at huwag mong isama sa iyong talaan.
29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,bayang nasa Juda'y muling itatatag;doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.