1 Mapalad ang taong pinatawad na ang kasalanan,at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,wala nang natirang lakas sa katawan,parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;inililigtas mo ako sa kapahamakan.Aawitin ko nang malakas,pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahwehang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!