Mga Awit 85 RTPV05

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

1 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.

2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)

3 Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.

4 Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.

5 Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?

6 Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.

7 Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.

8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.

9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.

11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.

12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;

13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.