1 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hangana si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
8 Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
9 Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi niya yaong dagat, doon sila pinaraan,ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.
17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyanng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”
21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.
32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunod-sunod na himala,ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.
38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.
40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong mga ilog doo'y naging dugong umaagos,kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal na mga langaw at palaka ang dumating,nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating ang maninira sa taniman ng halaman,mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,mga anghel ang gumanap ng parusang sunod-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.
52 Tinipon ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay nga at naligtas, kaya naman di natakot,samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid sila ng Diyos sa lupain niyang banal,sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy niyang lahat ang naroong namamayan,pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
56 Ngunit sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57 katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumama ang loob niya noong ito ay mamasid,itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70 Ang kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.