1 Kasalana'y nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika;tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala.
2 Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa.
3 Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
4 Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,masama rin ang ugali,at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay.
5 Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
6 Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.
7 O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
9 Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.
10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin,o ang mga masasamang gusto akong palayasin.
12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo!Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.