1 Bakit nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
2 Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
3 Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”
4 Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
5 Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
6 “Doon sa Zion, sa bundok na banal,ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”
7 “Ipahahayag ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,‘Ikaw ang aking anak,mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
8 Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
9 Dudurugin mo sila ng tungkod na bakal;tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”
10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,sa paanan ng kanyang anak
12 yumukod kayo't magparangal,baka magalit siya't bigla kayong parusahan.Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.