Mga Awit 89 RTPV05

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang Maskil E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

1 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;ang katapatan mo'y laging sasambitin.

2 Ang iyong pag-ibig walang katapusan,sintatag ng langit ang iyong katapatan.

3 Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirangat ito ang iyong pangakong iniwan:

4 “Isa sa lahi mo'y laging maghahari,ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)

5 Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggitang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.

6 O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?

7 Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,may banal na takot sa iyo at paggalang.

8 O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.

9 Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,alon mang malaki'y napapatahimik.

10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.

11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.

12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.

13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,ay walang kaparis, di matatawaran!

14 Ang kaharian mo ay makatarungan,saligang matuwid ang pinagtayuan;wagas na pag-ibig at ang katapatan,ang pamamahala mong ginagampanan.

15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan kaat sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.

16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,ang katarungan mo'y siyang sinasabi.

17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,dahilan sa iyong kagandahang-loob.

18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.

Ang Pangako ng Diyos kay David

19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:“Aking pinutungan ang isang dakila,na aking pinili sa gitna ng madla.

20 Ang piniling lingkod na ito'y si David,aking binuhusan ng banal na langis.

21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.

22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,ang mga masama'y di magtatagumpay.

23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,silang namumuhi na mga kaaway.

24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,at magtatagumpay siya oras-oras.

25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,dagat na malawak at malaking ilog.

26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,tagapagsanggalang niya't manunubos.

27 Gagawin ko siyang panganay at hari,pinakamataas sa lahat ng hari!

28 Ang aking pangako sa kanya'y iiralat mananatili sa aming kasunduan.

29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,sintatag ng langit yaong kaharian.

30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,at ang aking utos ay di igagalang,

31 kung ang aking aral ay di papakingganat ang kautusa'y hindi iingatan,

32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,sila'y hahampasin sa ginawang sala.

33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,ay di magbabago, hindi mapapatid.

34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,ni isang pangako'y di ko babawiin.

35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,kay David ay hindi magsisinungaling.

36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;

37 katulad ng buwan na hindi lilipas,matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)

Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari

38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,ay itinakwil mo at kinagalitan;

39 binawi mo pati yaong iyong tipan,ang kanyang korona ay iyong dinumhan.

40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,mga muog niya'y iyong ibinagsak.

41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,ang ari-arian niya'y kinukuha;bansa sa paligid, pawang nagtatawa.

42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.

43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,binigo mo siya sa kanyang paglaban.

44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,inalis sa kanya't iyong ibinagsak.

45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?

47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;papanaw na lahat silang nilikha mo.

48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)

49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.

50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.

51 Ganito tinuya ng iyong kaawayang piniling haring saan ma'y inuyam.

52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!Amen! Amen!