Mga Awit 136 RTPV05

Awit ng Pagpapasalamat

1 Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

3 Ang Panginoon ng mga Panginoon ay ating pasalamatan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

5 Itong kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

6 Nilikha ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

7 Siya ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

10 Ang mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

11 Mula sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

13 Ang Dagat na Pula, kanyang inutusan at nahati naman.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

19 Siya ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

20 Siya rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!