Mga Awit 57 RTPV05

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam, nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.

1 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.

3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)

4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

5 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

6 Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)

7 Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.

8 Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.

9 Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.

10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.

11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!