1 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
2 Kung paano'ng yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
3 Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)
8 ang lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wariyaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?Doon siya mananahan upang doon mamalagi.
17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At sa dakong matataas doon siya nagpupunta,umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”
24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.
28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,ang Etiopia'y daup-palad na sa Diyos dadalangin.
32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)
33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigayng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.Ang Diyos ay papurihan!