1 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;kayo'y aking ililigtas,ako'y inyong pupurihin.”
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;sa inyo ay bale-wala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”